Lunes, Oktubre 24, 2011

Drunken Words. Sober Thoughts.

Hindi mo malalamang totoo ito hangga't 'di mo susubukan.

               Natatakot ako dati na uminom ng alak dahil baka ilang laklak lang, mawala na ako kaagad sa sarili ko. Baka magsabi na lang ako ng mga bagay na sa isip ko lang tumatakbo. Baka kung ano na lang ipaggawa sa akin ng mga kasama ko, sundin ko. Baka gumawa ako ng bagay na pagsisisihan ko.


               Hindi ko alam kung bakit sa mga napapanuod ko sa TV maging sa mga naririnig ko tuwing kinagabihan ng fiesta, mga nagwawalang lasing ang tumatambad sa tapat ng bahay namin, sumisigaw, nagwawala, at madalas may kaaway na kainuman din niya. May napanuod naman ako sa balita kailan lang na may dalawang lalaking 'di magkakilala, nagkatinginan lang, nagpatayan na. Nakakalungkot isipin na may mga taong nagpapadala sa emosyon nila 'pag nakainom sila. 

               Hindi pa man ako dumarating sa edad na 18 ay natikman ko na rin 'yung bagay na kinasasabikan ng mga kabataan sa henerasyon ngayon. Sumunod ang paninigarilyo, ang pag-inom ng alak ang pangunahing aliwan ng mga taong gustong magsaya o 'di kaya'y gustong kalimutan ang problema.

               Ako 'yung tipong tahimik na tao, 'yung hindi agad naglalabas ng saloobin at hindi nagbabahagi ng mga pananaw ko sa iba't ibang bagay maliban na lamang kung class recitation ang senaryo. Ako 'yung tipo ng taong hindi agad nagtitiwala sa mga taong kakakilala ko pa lang, closed book, ika nga nila. Pero dumating na rin ang pagkakataon na dahil sa alak ay malaya kong naibukas ang sarili ko tungkol sa mga bagay na hindi ko normal na nasasabi. Sa panahong iyon, alam ko ang ginawa ko. Malinaw pa sa akin ang napag-usapan namin ngunit ang mga salitang nabitawan ko, tila ayaw ko ng balikan. Hindi ko lang lubos akalaing kung babasahin ko ang naging usapan namin sa FB chat ay masasabi ko pala ang mga ganoong bagay. Hindi ko ito pinagsisihan dahil nasa sarili ako noong sinabi ko ang salitang binitawan ko doon at patungo naman ito sa iisang bagay. 

               Nakakatuwa lang isipin na dahil sa alak, mas naipapakita natin ang natatagong bahagi ng ating sarili na kadalasan nating itinatago. Dahil sa alak ay mas nagiging bukas tayo sa mga bagay na pilit nating ibinabaon sa isipan natin. 

               Hindi natin maitatangging parte ang alak sa bawat okasyon sa pamilyang Pilipino. Tunay ngang nakakadagdag ito ng kasiyahan dahil napapahaba nito ang kwentuhan maging seryoso man o iyakan ang tema ng usapan. Kailangan lang nating isaisip na lahat ng sobra ay nakakasama. Magkaroon pa rin dapat tayo ng kontrol sa ating mga sarili at siguraduhing ang isip pa rin natin ang naghahari sa buong katauhan natin.